Monday, January 29, 2007

Sa Common Dining Hall (Purita San Diego)

Sa Common Dining Hall
Purita Monica Ann A San Diego

“...Tunay na maraming hiwaga
dito sa daigdig na mahiwaga.”

-Jose F. Lacaba
“Himala at Hiwaga”


Hiwaga kung iisipin
Kung papaanong ang iyong mga bisig
Na pinagtatawanan ko pa
Noong isang taon
Ngayon ay mabibilog
Na testimonya na
Ng iyong pagkabinata

Himala, kung ituring
Kung papaanong ang iyong balikat
na noo’y makitid at
Sumusunod sa hangin
Ngayon ay matipuno tila kurus
Sa pagitan ng iyong ulo
At katakamakam na tiyan

At nakakatuwang isipin
Kung papaano kong nalimot
Ang pagkaing kabibili lamang
Nang ituro mo, gamit ang nagungusap
Na mata, ang daan papunta
sa aking inuupahang kwarto

at doon sabay muli tayong
magtuklas ng himala at hiwaga.

No comments: